Mga Istorya Tungkol sa aking Bakasyon at ang Semana Santa

Habang abala kami ni Dadem sa pagtapos ng aming M.A. course works, hindi namin mapigilang magplano para sa aming bakasyon. Gustong gusto kong magpunta sa isang tagong dalampasigan kung saan kami lang ang nandoon—nakasuot lang ng trunks at may dalang mga pagkaing pagsasaluhan sa isang buong magdamag… kagaya ng dati. Masarap kasi magnilay kapag sa isang tahimik na lugar ka pupunta. Yun naman siguro ang sasabihin ng karamihan. Nagkalkula na kami ng aming magagastos at inumpisahan kong maglista sa aking organizer. Sinabi ko sa kanyang pagkatapos nalang ng semana santa ang iba kasi we both need to reflect with God… Natuwa naman ako kasi ganun nga ang nangyari. Ginawa muna namin ang aming mga obligasyon bilang Kristyano…

Kapiling ng Pamilya’t Kaibigan

Nag umpisa akong mag ayos ng aking mga gamit at isinalansan lahat sa aking bag ang mga damit, organizer, pouch bag, laptop at iba pang abubot. Kasama ko si Dadem umalis sa aming tirahan sa Legazpi at dumiretso sa terminal. Sumakay kami sa air-conditioned coaster papuntang Ligao City. Ang sarap pagmasdan ng tanawin sa labas… titig na titig ako sa bintana habang si Dadem naman ay abalang nanunuod ng pelikula. Tuwang tuwa akong pinapanuod ang malalabay na puno at sasakyan sa paligid. Napaka-relaxing. Nangiti pa nga ako tapos hinawakan ni Dadem ang kamay ko sabay ngiti rin niya sa akin. Malaman ang mga ngiting yun. Ramdam kong kakaibang bakasyon ang mararanasan naming pareho. Nang dumaan kami sa tinatawag na “Wishing Bridge” sa Guinobatan, nagbilang kami ng tatlo at agad na pinigil ang aming paghinga sabay bulong ng mga kahilingan sa buhay hanggang sa makarating sa pinakadulo nito, saka muling huminga ng normal. Natawa kami pareho. Matagal na naming ginagawa iyon, sa tuwing dadaan ang sasakyan sa tulay na iyon. Hindi namin alam kung talagang matutupad ang mga kahilingan kapag ginawa iyon, pero ang sarap lang sakyan ang ganoong ka-wirduhan eh. Minsan ka lang magiging wirdo, pag igihan mo na. (HAHAHA!)

***

Ayun, nakarating din kami ng Ligao City, inihatid niya ako sa terminal papuntang Pioduran at doon narin kami panandaliang naghiwalay ng landas. Kagaya ng palagi kong ginagawa, sumasakay ako ng dyip kapag uuwi ako sa aking kinalakhang bayan. Marahil wirdo sa iba, pero tuwang tuwa akong pagmasdan ang mga kasakay ko sa dyip. Yung mga naglalako ng kung anu anong pagkain kagaya ng penoy, maning sinaing, maning pinirito, chicharon, puto, sparkle (na hindi ko alam kung bakit adik na adik ako) at marami pang iba. Tuwang tuwa ako kapag may mga nangungulit na tindera… yung tipong pakiramdam mo panibagong araw na may matutulungan ka na naman… another chance to apply Christianity. Tapos, isa pa sa mga rason kung bakit gustong gusto ko sa dyip, kasi doon mo mas makikita ang mga biyayang meron ka, doon mo mas makikitang, wow, ang swerte swerte ko pala talaga. Iba ibang klase ng tao ang makakasama mo sa loob—nandoon yung may mga akay pang bata, nagpapasuso sa kanilang supling, mayroon ding may mga kapansanan. May mga makikita ka pang madudungis at nanlilimahid sa tila putik sa katawan. Minsan nga maluwa luwa ako sa nakikita ko… at ang takbuhan ko bago pa bumulusok ang aking mababaw na luha ay ang aking selpown at earphone—makikinig ako ng musika at minsan magtitext kay Dadem tungkol sa kung ano ang mga nasaksihan ko. Hindi naman ako mayaman. Napakasimple lang ng buhay ko. Pero pag nakikita ko ang mga taong ito, napapangiti ako kasi kahit hindi ako deserving sa mga tinatamasa ko noon hanggang sa ngayon, binigyan niya ako ng sobra sobra. Sapat na ipamahagi kahit sa mumunting paraan.

***

Sa wakas, nakarating din ako sa aming tirahan sa Pioduran. Ayun, ganun parin… napakasimple parin ng buhay. Gustong gusto ko nang puntahan agad ang aking kwarto pakatapos kong magmano sa aking mga magulang at magbeso kay Ate Julz. Gusto kong magbihis at nang makapagkwento ng mga karanasan ko kina Ate habang nagmimeryenda. Nakawawala talaga ng pagod. Ang sarap maging simple at maging kuntento sa kung anong meron ka… Yung tipong, mayroon kang mga pag-aari na alam mong pinaghirapan mo… na talagang masasabi mong sa’yo… Palagi ko ngang sinasabi sa sarili ko, hindi naman kasi talaga sa pera, kotse, mansion at kung anu ano pa nasusukat ang lahat eh. Kung mayroon ka namang pamilyang uuwian at masayang maikukwento ang kung anu ano (mayrooon kang kapatid na katulad nina Ate Julz at Ate Coy), mayroon ka ng lahat na kakailanganin mo para mabuhay, mayaman ka na. Well, iba iba naman kasi siguro talaga ang depinisyon ng pagiging mayaman ng bawat isa sa atin… Pero, ako, sigurado akong bilyonaryo talaga ako.

***

Nagtext si Beb na nandito narin siya sa Piox. Natuwa ako kasi matagal ko narin talaga siyang hindi nakikita. Pinuntahan ko siya sa bahay nila at naisipang mamasyal. Taga Bgy. Caratagan siya, ang lugar na iyon ay malawak at mapuno kaya preskong presko ang hangin. Gustong gusto ko pumunta doon kasi taga sentro ako… Gusto ko ng “preskong” paligid. Ayun, namasyal kami ni Beb at kung saan saan nakarating—pumunta kina John, kina Maricar at sa bahay ng aking pinsan, kina Ate Axel. Nakakatuwa nang malaman kong ninang pala siya ng mga anak ni Ate Axel… Kahit papano, hindi lang talaga kami basta magkaibigan… basta, kumbaga, medyo espesyal narin naman. (Kahit hindi ko talaga maikonek) Inabot kami ng gabi sa bagong liwasan katabi ng munisipyo. Natuwa ako kasi kahit papano nagkakaroon narin talaga ng magagandang pagbabago sa Piox. Naik’wento rin sa’kin ang papalapit na inagurasyon ng liwasan kasabay ng paglatag ng mga buto ni Pio S. Duran (isa sa mga haligi ng pagkakatatag bilang bayan ng Malacbalac—at ipinangalan sa kanya bilang pagpupugay) sa ilalim ng mas pinagandang monumento nito. Kasabay noon, napag usapan din namin ang tungkol sa mga mumu doon at iba pang ghost encounters ng bawat isa habang abala rin ang aming mga mata sa pagmatyag kina Biboy at Bijoy (mga anak ni Ate Axel). Masaya ang gabing iyon… Isa iyon sa mga alaalang hinding hindi ko ipagbibili magkasanglaan man (‘CHOS!)

Sa Gitna ng Nalulunod na Prusisyon

Biernes Santo. Naghahanda kami sa siguradong napakahabang prusisyon. Inayos ko ang karton na proteksyon para sa mga patak ng kandila. Nilagyan ko ng kaartehan kaya gumugol din ako ng ilang minuto  para doon at inihanda ang mga rosaryo. Pakatapos ay nagbihis na ako at nag ayos ng sarili. Mag-aalas singko na nang makarating kami sa labas ng simbahan at tama nga, napakadaming tao.

Nag umpisa ang prusisyon mga bandang alas siyete at talagang nakadidismaya. Maingay ang mga tao—matanda, bata, may ipin, wala, singanga, bukito’t walang hiya… Inumpisahan narin namin ni Ate Julz ang aming pagsasanto-rosaryo… Gusto kong matawa kasi parang kami ang nagmukhang kakaiba… tila namamangha ang mga tao dahil nagrorosaryo kami. Sabagay, ganun naman talaga ang mga tao noon at ngayon, kapag hindi mo sinunod ang ginagawa ng karamihan (ang pag iingay at pagkukwentuhan habang nasa banal na prusisyon; sabihin narin nating paglalandi ng iba) ay masama ka, o mukhang ikaw ang mali. May iba pa ngang nakashorts at tila rarampa sa piyesta… May nakikipagdate, may nagpapacharming—dinaan lang sa pagbitbit ng kandila. May nangunguha ng mga preskong bulaklak sa karo ng imahe ng isang santo dahil sa paniniwalang swerte ito’t nakapagpapagaling. Nakakatawa… nakakadismaya rin sa isang banda. Ipinagpatuloy nalang namin ang aming pagrorosaryo at dinedma ang ingay ng paligid. Doon mo mismo talaga makikita ang pagiging mangmang ng mga tao sa kung ano ang kanilang ginagawa. Mangmang dahil mababaw ang kanilang pang unawa sa biernes santo… mangmang dahil hindi sapat o hindi solido ang kanilang kaalaman sa pamamanata. Sa totoo lang, naaawa ako sa kanilang lahat. Nakakaawa dahil sa ginagawa nila ang isang bagay na HINDI NILA NAIINTINDIHAN.

Sana sa pamamagitan ng talang ito, mailagay sa tama ang lahat. Hindi dapat magmukhang fashion show ang prusisyon… Hindi dapat ito maging pugad ng kawalang hiyaan at pagpapacharming dahil tila “cool’ ito para sa ilang kabataan… bagkus, dapat isapuso ito bilang pag alaala sa paghihirap at pagpapapako ni Kristo Hesus sa krus para sa ating mga kasalanan—ang muling pagkabuhay at ang pangakong buhay na walang hanggan na makakamtan sa pagsunod sa mga tagubilin na nakapatente sa Banal na Bibliya.

Sabado na Puno ng Gloria

Masaya ako at sabik na sabik dahil bukod sa ito ang araw ng outing ng aming magkakaklase noong elementarya at hayskul, sasama rin si Dadem at on the way na siya papunta sa beach. Sinundo ako nina Alfra at Jamilita sakay ng motorsiklo sa bahay. Dinaanan din namin si Lara at masayang tinungo ang bahay nina Louie. Tulong tulong kaming nag ayos ng mga iluluto na handa para sa kasayahan. Mag-aalas d’yes na nang makarating si Dadem. Napakagwapo! Ang ganda ng suot niyang pang beach talaga… binilinan ko siyang magsuot ng tsinelas at trunks pang ilalim para pag naligo kami sa dagat huhubarin nalang ang shorts at damit. Napakasaya ng mga oras na iyon. Hindi nga lang talaga kumpleto, kasama sana si Beb kaso hindi siya nasundo dahil sa napakaraming inatupag ng mga may sasakyan sa amin. Andun sina Lara C., Jamilita M., Alfra P., Vima C., Maricar V., Jessa S., Anilyn B., Jack V., Jonathan S., Jonathan O., Sotero R., Archie C., Regine L. (with her baby), Louie C., Louie Sy, John Clement L., Ranjee B., Sante C., at si Dadem ko na masayang nakihalubilo’t malugod na tinanggap nilang lahat. Parang gusto kong ‘wag nang matapos ang oras na nagbibiruan kami’t nagkakatuwaan. Namimiss din namin si Kuya Alex (+)… siya ang aming tricycle driver na kaibigan. Buhat elementarya hanggang sa maging propesyunal ang karamihan sa amin, siya ang naghahatid sa amin at palaging kasama sa mga pagtitipon. Siya lang siguro ang drayber na okey lang kahit ang iba hindi nagbabayad…masaya na siya’t kuntentong makitang nagkakasiyahan kami. Fulfilled na siya kumbaga sa ganun kasimpleng ayos. Kaya naman malaking puwang ang iniwan niya sa aming mga puso. Hinding hindi namin siya makakalimutan. Alam kong natutuwa siyang pagmasdan kaming lahat na nakapaikot muli sa damuhan malapit sa dalampasigan, nagkukwentuhan ng kung anu ano, nagbibiruan at sinasariwa ang magagandang kahapon na pinagsamahan at pinagsaluhan ng bawat isa sa amin.

Gusto kong maibahagi ang talang ito sa lahat. Gusto kong manatiling sariwa ang mga karanasang hinding hindi mo ipagpapalit sa makamundong ginto. Magbago man ang aming mga estado sa buhay, magbago man ang itsura ng bawat isa sa amin—gumanda lalo, yumaman lalo (sa anumang aspeto), tumaba, umitim, pumuti… isa lang ang alam kong hindi magbabago, ang pagmamahalang tapat bilang magkakaibigan. Ang pagkakaibigang hinulma ng napakagandang buhay.

Ang sarap mabuhay sa mundong punong puno ng kulay.  Hanggang sa mga susunod pang pagsasama. Hanggang sa mga susunod pang paghinga ng aking kaluluwa. Siya Nawa!

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s