Tatlong Istorya

Simulan ang Araw sa Pagbabasa

Wow! Kagaya ng dati naappreciate ko na naman ang araw na ito. Kanina naki-join sa’kin si Ate Julz magbasa ng nobela sa kwarto ko. Pinatay namin ang electric fan kasi malakas naman ang pasok ng hangin sa kwarto ko… para makatipid din naman sa kuryente. Namili s’ya ng libro sa estante ko ng mga koleksyong libro. Ako lang sa bahay ang may mga koleksyong libro. Yung estante ng mga libro sa baba, sa sala, para iyon sa lahat. Parang general section… yung sa’kin, dito lang sa kwarto ko kasi karamihan sa mga ito rare books. Yung tipong limitado lang na inimprenta; ang ilan sa mga ito bigay ng mismong may akda katulad ng hinahangaan kong si John Iremil Teodoro na ang libro niyang koleksyon ng mga tula na may pamagat na Kung ang Tula ay Pwedeng Pambili ng Lalaki ay naging topiko ng aking tesis sa kolehiyo. Malaking tulong ang librong iyon sa akin… Ayun, magkatabi kami ni Ate Julz sa aking kama… balak sana naming sa lapag nalang magbasa kaso baka sumakit ang legs namin sa pag iskwat kaya nagdesisyon nalang kaming sa kama ko umupo ng nakaliyad. Relaks na relaks talaga kami pareho… mahaba habang seryosong pagbabasa ng napakagagandang mga libro. Marami din kaming natutunang bokabularyo. Nalaman namin na ang lumang ingles na “wherefore” ay nangangahulugan ng salitang “bakit,” nalaman din namin na “Kongonese” ang tawag sa mga tao sa “Kongo” na kadalasan ang napapanimulan ng titik “C”… isabay na natin ang salitang “half-mast” at marami pang iba.

Totoo ngang sa pagbabasa, hindi ka lang malilibang, may matututunan ka rin… may ibang bago sa’yo, mabuti, ganundin yung masama na kailangang iwasan. Minsan, yung tipong parang tinatangay ka na ng mga titik sa lugar na binanggit sa kwento sa libro… lalo na kapag nobela ito. Lumalabas at mas nai-enhance ang imahinasyon mo lalo na sa mga bagay bagay na hindi mo pa nakikita o napupuntahan. Ang libro ay tila kapirasong salamin ng buhay sa pinagmulan nitong lugar. Ang sarap magbasa’t matuto!

Kahit Ordinaryong Tao’y May Espesyal na Kwento rin

Pakatapos naming magmeryenda, may kumatok sa aming geyt—si Manang Lyn (Elena Abonita) Siya ang “exclusive” naming tagapaglinis ng kuko. Nasa elementarya palang ako’t hayskul s’ya na talaga ang nakalak’han kong manikurista. Taliwas sa nakagisnang tipo ng manikurista, si Manang Lyn ay tahimik at pino gumalaw at hindi tsismosa.  Isa isa niya kaming nililinisan—umpisa kay Papa, sunod si Mama, si Ate at ako. Masasabi kong malapit ako sa kanya dahil sa minsan nakapagkukwento ako ng mga bagay na sensitibo kagaya na lamang ng tampo ko minsan kina Mama at Papa. Habang nililinisan niya ang kuko ko sa paa, tila counselling expert s’yang nagkukwento sa’kin ng mga napagdaanan niya buhat noong siya’y bata pa. Mula doon sa kanyang kwento’y ikokonek niya sa aking kinwentong pagtatampo kina Papa at Mama. Malambing siyang magsalita, at ramdam mo talagang nanggagaling sa puso ang kanyang sinasabi. Kumpupwede nga lang na dugtungan ko ang mga kuko ko para matagal pa niya akong makausap gagawin ko. Hindi ko inakala na magmumula ang mga kwentong-buhay na puno ng aral at kulay sa isang napakasimpleng matandang babae. Sa totoo lang, ang turing ko sa kanya parang pangalawang nanay, at alam kong ganoon din siya sa’kin. Kaya naman eksayted ako kapag dumarating siya’t upang maglinis ng aming mga kuko… at sa’kin, hindi lang kuko ang nalilinisan, pati ang aking paslit na isipan… upang mas maintindihang lalo ang kaganapan ng buhay. Gusto siguro akong i-remind ng Diyos na kadalasan sa buhay, yung mga taong minamaliit, inaapi, at inietsapwera, sila ang may maliwanag na kwento ng buhay… may mas tingkad ang tinig na katumbas ang isang napakatamis na dasal. Sa Panginoon, isa lang ang palagi kong hiling, katulad sa aking pinakamamahal na pamilya, humaba pa sana at mas maging makulay ang buhay ni Manang Lyn… Siya Nawa!

Sinasabi ng Iba… Ibang iba talaga

Magkatext kami ni Dadem kanina… duty s’ya ngayon sa ospital kaya hindi ko gaanong iniistorbo total magkikita naman kami ulit bukas. (Eksayted talaga ako kapag magkikita na kami ulit… Masaya lang talaga ako kapag kasama ko siya) Nagtext din si Ate Tina tungkol sa isang kakilalang instructor sa Pamantasan ng Bikol. Nakapasa daw ito sa interview at nagi nang permanente sa wakas… ngunit nagulat siya no’ng minsang makasalubong niya ito sa lobby… hindi raw siya nito pinansin at tila nag iba daw ang pakikitungo nito sa kanya. Mas mabuti nalang daw na magresign siya kesa maramdaman niyang negatibo ang pakikitungo ng inaakala niyang kaibigan niya. Nag-reply ako agad, sinabi kong ‘wag niyang gagawin ang magresign… para sa’n? ..para kanino? ..Para sa taong iyon na hindi nga deserving maging isyu sa buhay niya??? Dagdag ko pang sinabi na kesa magresign, bakit hindi niya gawing mas bongga ang performance niya at patunayan ang kanyang sarili, HINDI para kung kaninong Pontiu Pilato, kundi para sa mga taong mahal at mahalaga sa kanya. Ika nga: attract positive vibes always! Marami rin akong kakilalang ganyan… yung tipo ng mga taong naging part-time instructor lang eh, limot na lahat pinagsamahan niyo… What more kung nakahawak na siya ng mas mataas na posisyon. Panapanahon lang naman kasi talaga ang pag akyat sa tugatog ng buhay… tsaka, may iba iba naman tayong depinisyon ng tagumpay eh. Para sa iba, ang maging matagumpay sa buhay ay ang makagradweyt sa kolehiyo… at ang maging honor student ay bonus nalang… pati ang pagkakaroon ng trabaho. Ang iba naman, tagumpay na para sa kanila ang magkaro’n ng pagkakataong makilala ang mga hinahangaang personalidad, ang magkaroon ng bag, gamit pang eskwela, ang makabili ng kompyuter at marami pang iba. Hindi naman tayo nabuhay upang makipagpaligsahan sa iba, kundi, upang mas maging mahusay na tao sa panibagong umagang ireregalo sa’yo ng Diyos. Parte lang ng pagsubok sa buhay ang makakilala ng mga taong mapagmataas… Basta ako, kuntento at masaya ako sa lahat ng regalo sa’kin ng Diyos. Kahit naman kasi maging propesor ka, diyakuno o presidente ng isang unibersidad at mag astang “siga” sa lahat ng tao sa paligid mo, ang mahalagang tanong, masaya ka ba? Eksayted ka bang umuwi sa inyong bahay para makasamang muli ang iyong pamilya? Marami ka bang totoong kaibigan na kumbinsido kang aantabay sa’yo gumuho man ang lahat ng pader na sinasandalan sa kasalukuyan?

Palamuti lang ang lahat ng nakabalot sa’yo anumang posisyon o katungkulan meron ka… Ang totoong ikaw’y ang taong nakashorts o sando sa bahay, nangungulangot sabay pitik nito habang nakahilata sa sala, kumakain ng nakakamay, natutulog ng nakanganga na kung minsa’y napapalaway; umiire at humihigalpik ang utok kapag tumatae. Ayun. Yun ang totoong ikaw… Hindi ang sinasabi o iniisip ng iba: Simple’t iba.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

5 Responses to Tatlong Istorya

  1. Very interesting subject, thanks for putting up.

  2. bigfatheroo says:

    Napakaganda! Nalibang ako… and may na-realize din ako sa mga istorya….. tama ka, marami nga tayong malalaman sa pagbabasa…. ANG GALING MO!!!!! 🙂 🙂 🙂 Sulat ka pa ng ibang mga pinagkakaabalahan mo….. fan mo na ako!!! 😀

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s