Isang Umagang Puno ng Tawa

Nagulat ako habang iniisa-isa ko ang tsanel ng telebisyon sa kwarto kasi nagkaro’n bigla ng FM Radio… Tama! Tunog lang talaga… pamilyar na tawanan at halakhakan ng babae at lalaking DJ—sina Chris Tsuper at Nicole Hyala. Tuwang tuwa ako kasi buhat nang umuwi ako dito sa Albay at dito na nagtrabaho hindi na ako makasubaybay sa kanila. Iba ang DJ ng Love Radio dito… okey naman kaso hindi ko gaanong gusto ang kanilang timpla…  Naalala ko noong sa Makati pa ako nagtatrabaho; kapag maaga akong nagkakape sa opisina, tahimik ako sa aking mesa’t nakikinig sa kanilang programa gamit ang aking selpown. Minsan napapabungisngis nalang  ako bigla kaya naman inuusisa ako palagi ng ilan sa aking mga ka-opisina, kung okey lang daw ba ako…

Ayun, gaya ng dati, ipinagpatuloy ko ang aking pakikinig sa usapan ng dalawang daldalitang DJ. Gusto ko yung napagusapan nila patungkol sa pagmamasid sa paligid—sa mga tao sa paligid… pagtatanong sa sitwasyon ng buhay o pamumuhay ng bawat makasalubong. Sa totoo nga naman talaga, ang sarap isipin na ang bawat isa sa kanila’y may kanya kanyang kwento… parang libro sa isang aklatan na may kanya kanyang artikulo at argumento: may masaya, may malungkot, may nakakaaliw, nakaloloka at marami pang iba.

Masarap nga naman talagang usisain kung bakit nagtatrabaho parin ang isang matandang lalaki sa isang construction site na nadaanan mo sa may kanto, masarap obserbahan ang isang ale na naglalako ng paninda sa ilalim ng tulay, ang mga batang naglilinis ng kotse sa may gasolinahan, mga may magagarang kasuotan pero sumasabit sa dyip o traysikel; ganun din ang isang nagpapakilalang pastora na biglang sumasakay sa bus, magbabasa ng bibliya at manghihingi ng donasyon sa mga pasahero. Magtatanong ang ilan kung ano ang buhay ng nagpakilalang pastora, totoo ba talagang kailangan ng kanilang simbahan ang donasyon, tunay ba talaga s’yang pastora? Kung hindi, bakit n’ya ginagawa iyong panloloko? Eh yung mga pasahero, ano naman kaya ang laman o naglalaro sa utak nila habang nilalagyan ng barya ang sobreng iniabot ng nagpakilalang pastora? Bakit hindi nagbigay yung ibang meron namang laman ang bulsa? Bakit nakapagbigay yung iba kahit kakaunti lang ang kanilang pera? …May makikita din tayong gwapo, maputi’t makinis na pasahero, crush na sana nung isang ate pero bading pala… Magtatanong ang ilan, BAKIT KAYA? Mag iimbestiga ang ating isipan, kakalikuting maigi ang mga posibilidad kung bakit nangyari ang ganung mga bagay bagay sa paligid…Nakakatuwa isipin…

…Pero katulad nga ng palaging sinasabi, bawat isa sa  atin ay may kanya kanyang tinatahak na daan ngunit isa lang ang patutunguhan. Siguro isa yun sa mga challenges na dapat lagpasan ng bawat isa sa atin… unconsciously maiisip natin wala lang ito pero makikita mo nalang bigla yung “pattern”, isa pala itong daan upang sa bawat istoryang nagugugol ng iyong ulirat sa mundo, makikila mo ang iyong sarili… parang puzzle ang ating buhay na kailangangg buuin sa naitakdang panahon… kailangang hanapin ang naikalat na “pagkatao” sa iba ibang timpla at estado ng buhay… at kapag nangyari na nga’t  nakumpleto mo na ang iyong kwento, nagawa mo na ang iyong napakagandang kwento— buo mo nang ihaharap ang iyong sarili’t kaluluwa sa Banal na Lumikha… Kasama mo Siyang manunuod ng iyong napakagandang palabas ng buhay. Siya Nawa!

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Isang Umagang Puno ng Tawa

  1. bigfatheroo says:

    Ako din, mahilig din ako makinig kina Nicole….🙂🙂🙂

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s