Isang Umagang Nagtagpo ang Lamig, Liwanag, Init at Kaluluwa

Matagal ko nang gustong magsulat tungkol sa aking mga paglalakbay, pero matagal bago ako sapian ng tinatawag na poetic persona. Tsaka, sa ngayon abala ako sa panunuod ng impeachment trial ng Punong Mahistrado Renato Coronado Corona, ganundin sa paggawa ng exam notebook at iba pang tala konektado sa mga klase ko sa M.A. sa Literatura. Kailangan ko nga rin palang magreport sa Comparative Literature pati sa Literature of the East. Inaasahan ng aking guro na handang handa ako sa sabado para dito… Masarap na mahirap maging estudyante’t guro sa isang banda…

Masaya ako kapag sumasapit ang araw ng Biyernes, bukod kasi sa magkikita na naman kami ni Dadem, ng aking nakatatandang kapatid, mga pamangkin, kaklase at ibang kaibigan, makakaluwas naman kasi akong muli sa aming bahay sa syudad. Maaga akong nagigising, alas kwatro palang ng madaling araw gising na ako. Andyan yung kakaunti pa lamang ang tao sa paligid; may mga taong naliligo sa poso, walang pang itaas na damit, hinahayaang mabilad sa mata ng natatakam na paligid…lingid sa kanilang kaalama, tila tiktik na takam sa amoy ng kanilang katawan ang iba pang mata ng paligid…

Tahimik—mga huni lang ng ibon at kuliglig at nangingibabaw na tinig. Tilaok lang ng mga manok na tandang ang bumibida sa pagsigaw ng “Gising na! Hayan na si Haring Araw!”  Masarap kainin ng sari-saring anyo ng paligid, masarap salubungin ang hangin habang umaandar ang sasakyan bandang alas sais… hinding hindi kayang tumbasan ng marangyang aircon sa sasakyan ang sariwa’t malamig na hangin ng payak na buhay ng probinsya. Dagdag na biyaya rin ang matanaw ang sari-saring halaman at puno sa paligid na tila bumabati ng isang magandang araw na nakaamba para sa akin… isama na natin ang unti unti ring sumisikat na araw na animo’y nakikihalo ang papatingkad na liwanag at dalang init sa lamig na haplos ng hangin. Napakagandang tagpo. Nakawawala ng problema. Nakakaalis ng stress at anxiety.

Sa mga ganoong oras masarap sabayan ng dasal ng papuri’t pasasalamat… Pasasalamat dahil isa ako sa iilang mga tao na nabiyayaang makita’t maramdaman ang ganoong klase ng pagtatagpo ng tao’t kalikasan. Isa sa iilang nabahaginan ng napakahalagang pagkakataon—ang paglikob ng liwanag sa dilim at unti unting pagkilala ng lamig ng hangin sa init na dala rin ng liwanag ng araw… sumisimbolo sa liwanag na katumbas ng pagkagising ng iyong kaluluwa sa liwanag na dala ng panibagong paglalakbay sa isang napakagandang umaga.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s