Piniratang Tabing

Para sa mga Maliliit na Bagay na may Malaking Papel sa Buhay

Kanina pakatapos naming kumain ng almusal, agad akong dumiretso sa bahay ng aking pinsan upang manghiram ng VCD ng mga kantang Pinoy. May dadaluhan kasi akong inagurasyon at naatasan akong kumanta para doon. Hindi ko gaanong gusto ang mga nakatagong VCDng Pinoy sa amin eh… may kalumaan narin kasi karamihan sa mga ito. Gusto kong maraming pagpilian…kaya nagbaka-sakali ako sa bahay ng aking pinsan. Agad naman akong pinahiram ng aking nakababatang pinsan ng piratang VCD habang nangingiti-ngiti pa sabay sabing, “…Kuya, hindi na bawal yan…sabi ni PNoy!” Ngumiti lang ako saka sinabing hindi nababasa ng original DVD player namin ang pirata… Salamat nalang ‘kako.

Umuwi akong lubha ang pagkadismaya dahil kakaunti lang sa mga kakilala ko ang may original VCDs. Sa maniwala kayo’t sa hindi, hindi kami bumibili ng pirata. Sabi kasi ng aking Ina, nakasisira s’ya ng player… Tsaka, hindi niya masyadong ma-enjoy ang panunuod dahil sa malabo at hindi gaanong maganda ang kalidad ng tunog—boses ng mga karakter sa pelikula at musika. Hindi rin daw ito nabubuwisan at paglabag sa International Anti-Piracy Laws.

Habang iniisa-isa ko ang mga VCDs na nakadisplay katabi ng TV sa aming sala, narinig ko sa balita ang isang komentarista na may sinasabi sa diumano’y pagkunsinte ng pangulo sa kanyang tagapayo. Nakunan umano ang napangalanang Sec. Llamas na “namamakyaw” ng mga piniratang VCDs. Kahiyahiya umano ang ginawa ng nasabing tagapayo-pulitikal ng pangulo dahil sa isang opisyal ng Palasyo, hindi marunong sumunod sa batas. Ikalawang beses na umano nitong pagpapasaway—yaong una ay nang magdrive at nakabangga ang kanyang mga bodyguards na nakitaan pa ng mataas na kalibre ng baril sa ilalim ng upuan ng kanyang sasakyan. Tila kinunsinte daw ng pangulo ng Pilipinas ang nasabing opisyal…

Nagulat pa ako sa pahayag ng pangulo na tila baga RELAX lang s’ya at sa tono ng kanyang reaksyon sa harap ng media, hindi niya ito gaanong binibigyan ng pansin dahil sa ito raw ay “mababa-baba sa kanyang prayoridad.” Nakalulungkot isipin na ang Optical Media Board (OMB) na ang layunin ay puksain ang pamimirata sa bansa ay napapailalim sa opisina ng pangulo… tapos, hindi ito prayoridad. Kaya pala relax din ang aking pinsan sa pagkakasabing, “hindi na bawal bumili at gumamit ng mga piniratang VCDs” dahil sa pinagkikibit-balikat lang ito ng mismong lider ng bansa.

Naalala ko tuloy yung isang libro na nabasa ko noong ako’y nasa kolehiyo—tungkol ito sa mga maliliit na bagay na magagawa ng simpleng mamamayan para sa kanyang bayan: ang pagsunod sa batas trapiko, paggalang sa mga nakatatanda, paghingi ng resibo sa pinagbibilhang tindahan, pagngiti sa mga nakakasalubong kakilala man ito o hindi, at marami pang iba. Mga simpleng bagay lamang ito ngunit may malakas na IMPACT sa buhay ng kahit na sino… Katulad ng punctuation marks, maliit lamang na mga simbolo pero may malaking bagay na nagagawa sa isang pangungusap. Mga maliliit na bagay lamang ang nakakapuwing… Nakalulungkot isipin na manggagaling sa mismong pangulo ang indirect statement na “OKEY LANG YAN… YAN LANG PALA EH… HINDI NAMAN YAN IMPORTANTE—MALIIT NA BAGAY LANG ‘YAN.”

Hindi na ako magtataka na ang mga susunod na henerasyong Pilipino ay patuloy parin sa pagtangkilik sa mga piniratang VCDs at iba pang produktong pirata. Kapag nagpatuloy ito, hihina ang kita ng mga kumpanyang ligal na nagbabayad ng buwis sa pamahalaan—buwis na ginagamit pampasweldo sa mga kagalang-galang (? + !) na mga mambabatas, senador, pangulo at iba pang empleyado ng pamahalaan… Apektado ang ekonomiya… apektado ang bansang sinakop na ng mga nagpapatakbong utak pirata.

Isipin natin na kung ang “maliit na bagay” nga na tulad nito ay hindi naipapatupad, ipinagsasawalang-bahala AT hindi nasusunod ng mismong [mga] opisyal ng Malakanyang, paano pa kaya iyong lubhang mga napakakumplikado? Ano na ngayon ang magagawa o gagawing pagkilos ng “maliliit” na mamamayang Pilipino? Baka bukas o makalawa, lahat tayo ay naipagbili na’t tuluyan nang pinirata isa isa…Ang masasabi ko nalang sa ngayon: Siya Nawa!

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s