Isang Gabing Hindi Makahinga

Literal akong hindi gaanong makahinga ngayon. Dala siguro ng aking ubo. Kailangan ko pang piliting huminga ng malalim para lang ma-satisfy ko ang baga ko sa hanging pumapasok dito. Marami akong ginawa ngayon at no’ng nakaraang linggo—proyekto para sa MA, gawaing bahay, panunuod ng impeachment trial ni CJ Corona, at marami pang iba.

Katext ko si Dadem kanina, sinabi ko sa kanyang hirap akong huminga… dahil sa isa s’yang nars pinayuhan niya akong magpa-tsek ap ulit bukas pero sabi ko saka na lang, kaya ko pa naman… stress lang siguro ‘kako ito. Sinabi ko nalang na matulog na kami at nang maagang makabyahe bukas; bukas okey na ako niyan (ako pa naman ang reporter sa klase ni Dr. Imran sa Comparative Literature.) Oo, tama, magkikita na naman kami bukas… eksayted ako!

Sana lang talaga ‘wag umulan… sana maayos na akong makahinga bukas… Ang hirap ng ganito.

Habang nagsusulat ako dito sa aking kompyuter ng mga saloobin ngayong gabing hirap akong huminga, marami akong naiisip… Tinitingnan ko rin ang paligid ng aking silid… ang magkakatabing aparador na kulay pink, grey at blue na punong puno ng aking mga damit… ang transparent Orocan na may mga lamang abubot, display na palamuti, at mga koleksyong libro na hindi basta mahahanap sa kahit saang aklatan (ang iba bigay ng kaibigan manunulat); sa ibabaw ang aking mga larawang nakaframe, may iba ibang laki at sukat… Kasama kong tiningnan ang aking maliit na mesa: sa ibabaw ang aking paboritong stuffed toy na pinangalanan kong Sindie, mga flyers ng iba ibang organisasyon na sinalihan ko, lampara, libro ni Dr. Holmes na madalas kong basahin; sa ilalim ang iba ibang papeles na nakasalansan ng maayos—in alphabetical order.

Naintriga rin ako sa typrewriter na matagal ko nang hindi nagagamit, katabi ito ng aking maleta malapit sa may pintuan… at ang pahalang na salamin at relong mas matanda pa sa’kin, nakasabit sa likod ng pintuan ng aking kwarto. Maya maya sunod ko namang napagdiskitahan ang aking kamang kapapalit lang ng bedsheet… mga paboritong unan na kung nakapagsasalita lang ay pupwedeng tumestigo o magkwento ng mga pribadong ginagawa ko sa loob ng kwadradong lugar na ito. Agad naman akong napatingin sa bintana, agad kong hinawi ang kurtinang dilaw—tanaw na tanaw ang ganda ng kalangitan… ang ganda ng mga bituin… bigla akong napaubo sabay hinga muli ng malalim.

Pumikit ako’t nagdasal… sandaling itinigil ang pag usisa sa paligid… itinigil ang pagkapa sa malambot na keyboard ng aking kompyuter… Hindi ko maintindihan pero agad na sumagi sa aking isip na baka mamatay ako agad dahil sa pahirap na paghinga… kaya naman, idinagdag ko sa aking dasal na ayoko pang mamatay… marami pa akong gustong gawin… marami pa akong gustong maranasan… marami pa akong gustong malaman, makilala at mahalin… Isa na siguro ito sa mga sandaling magpapaalala sa’king sadyang napakaikli ng buhay upang sayangin lang sa galit at sama ng loob.

Mahirap huminga ngayong gabi… pero nang aking umpisahang magdasal at pagmunimunihan ang mga bagay na importante para sa akin, tila kusang lumapit sa’kin ang hangin… hanging lilikob hindi lamang sa aking hirap na baga ngayon kundi sa buong katawan… kasama ditong hahalo ang aking kaluluwa na malugod na magiging isang elemento ng kaluwalhatian Niya.

Hindi lang naman pala hangin ang nagbibigay buhay at pahinga—ganundin ang mga bagay na nakapalibot sa’tin… na kaladalasan, katulad ng hanging hinihithit-buga, ito rin ay hindi natin makita… kahit gamit ang dalawang bukas na mata. Ngayon, bukas at sa mga susunod ko pang paghinga… Siya Nawa!

 


About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s