Ginto’t Pilak sa Pagkatao: Pagmumuni’t Pagpupuri

Ayun, kanina hindi na naman ako mapalagay. Parang andami kong gustong gawin pero sinusumpong na naman ako ng katamaran. Maraming oras na
akong nasasayang para sa isang oportunidad na hinding hindi ko mabitiwan. Ano bang mayroon doon at parang hanggang ngayon ay pilit parin akong nakatayo’t hinahabol ang isang palad na malayo sa pagtanaw ko sa ginagalawang mundo. Nakakainis! Minsan talaga masyado narin akong naiinis sa sarili ko… sa mga
desisiyon ko. Pero parang tama din naman ang ginagawa ko kahit nakakapagod hindi naman nalalasing ang kaluluwa ko—sa katunayan tila masaya pa nga ito’t animo’y isang bidang karakter sa pelikulang naiguhit na sa papel ang tagumpay sa huli.

***

Kanina katatapos ko palang magbasa ng ibang mga maikling
kwentong naisulat ko sa isang malapad na notebook. Sa tingin ko nga pwede na akong makapaglimbag ng isa o dalawang libro sa dami ng mga naisulat ko eh. Pero wala parin akong kakayahan. Hindi naman kasi ganoon kadali ang magkaroon ng libro. Maraming dapat pagtuunan ng pansin katulad ng pag-edit sa mga naisulat, pagsasaayos nito sa pormang libro, pag isip ng pabalat ng libro, paunang salita, higit sa lahat ang pera para matagumpay na mailimbag ito. Hindi ganoon kadali… hindi ganoon kadali maibilang ang pangalan mong nakapabalat sa libro sa isang malaking estante ng sari-saring libro.

***

Nasa labas ako ng geyt kanina at umupo sa isang malaking
bato sa gilid nito. Masyado na kasing malamig ang aircon sa loob ng kwarto kaya naisipan kong lumabas at nang makalanghap ng kahit kaunting mainit init na hangin mula sa labas. Kahit kilala ang Mandaluyong bilang isang ma-polusyong lungsod masasabi mong hindi ang kabuuang lungsod. Maganda kasi ang lugar ng dorm
ko. Kumpara sa iba, hindi mo malalamang nasa Metro Manila ka kapag nasa Kanlaon St., Highway Hills ka.  Tahimik at maayos
ang mga bahay. Yung tipong may dignidad ka at maipagmamalaking doon ka nakatira. Karamihan kasi sa kapitbahay namin ay Duktor at Abogado. Malalaki at konkretong bahay ang makikita mo rito—tila isang subdivision sa pagkakahanay nila. Kaya nga tumagal ako. Isa na ata ako sa mga matagal na nakatira dito. Isa ako sa mga nakatirang pinagkakatiwalaan na. Ikaw ba naman, mahigit isang taon
na ako dito noh.

***

Nagulat ako nang makita ko si Aby! Natutuwa ako kasi bihira
na kami ngayong magkita. Magkatabi lang ang aming tinitirhan pero bihira kaming magkamustahan. Napaka-ayroniko, anoh? Ewan ko ba… masyado lang siguro kaming abala pareho. Abala narin kasi siguro siya sa kanyang beybing dinadala. Sa July na nga daw siya manganganak eh. Hindi parin siya nagbabago… hindi parin kami
nagbabago. Dating dati parin ang batian namin. Yung tipong hahalikan ko ang magkabilang pisngi niya’t magngingitian kami na animo’y nanalo sa isang beauty pageant. Hindi siya katulad ng mga nakilala kong kaibigan na marami nang nagbago sa pagkatao dahil buntis na at may sarili nang pamilya. Naalala ko tuloy nang magpakasal ang nakatatanda kong kapatid, nagtampo talaga ako kasi
buhat nang mabuntis siya’t magkaanak, marami nang nagbago sa amin. Hindi na kami yung katulad ng dati na sweet at naglalambingan. Nagseselos pa nga ako sa pamnagkin ko dati eh. Pero ayun, binawi ko nalang sa mga pamagkin ko lahat. Naalala ko pa noong pagsabihan ko ang isa ko pang kapatid na babae na ‘wag
na mag asawa para pwede parin kaming maglambingan ng bongga. Ayun, tinupad naman niya. Hindi parin siguro talaga siya mag aasawa (Sana nga..’wag na!
HAHAHA!) Mamimiss ko kasi ang mga ginagawa at inaatupag namin na kami lang ang nakakaunawa. Baka magselos na naman ako. Tama nga talaga… walang permanente sa mundo kundi ang pagbabago… ang hindi magkamayaw at hindi matigil tigil na pagbabago. Hindi ko na nga mabilang kung ilan ang mga nagbago sa buhay ko eh. Medyo mahapdi sa dibdib kapag binabalik balikan mo… pero masaya parin ako’t naatim kong harapin lahat ng klase ng emosyon sa mga pagbabagong iyon.

***

Si Daddy Em, ang tagal na namin. Ang tagal na naming nagtatampuhan at nagmamahalan. Mabuti naman at mas nagiging matatag kami habang lumilipas ang panahon. Hindi ko alam ang mga susunod pa naming kahaharapin pero dinadaan ko nalang lahat sa dasal at papuri sa Panginoon. Alam ko namang lahat ng pangyayari sa mundo ay may kadahilanan at hindi parang isang bula na lolobo
at biglang maglalaho ng bigla. Masaya ako kasi kahit hindi siya perpekto… katulad ko, siya ang nakikita kong isa sa mga matitingkad na kulay na pabalat ng buhay at galaw ng kaluluwa ko. Ang sarap sarap magmahal at masaktan. Sa palagay ko nga, ang dalawang elementong ito (sakit at saya) ang tumutulong sa atin upang mamina ang ginto sa buhay na dahilan ng ating paglalakbay. Basta, hindi ito nagtatapos sa ganito. Alam kong marami pa akong matutuklasan mula sa iba ibang salamin ng buhay kung saan bilad na bilad ang hubad kong pagkatao. Alam ko marami pa ditong nakatagong sikreto… marami pang ibang mas maningning pa kesa sa mga nabanggit ko…

***

Para sa aking dakilang ama’t ina… wala na akong mahihiling pa. Wala akong masabi sa kanila. Gustong dumaloy ng mga luha ko ngayon habang tila mang uukit ng salita na isinasalaysay ang kabutihan at kadakilaan nilang mag asawa. Napakaperpekto ng Diyos at alam na alam talaga Niya ang babagay sa ating pagkatao. Alam Niyang babakat sa’yong buhay ang mga magulang ninyo ngayon. Alam Niyang sila ang perpektong gabay sa bawat pagkakataon. Sa bawat
paghinga ko sa mundo, pinasasalamatan ko Siya’t inihabilin ako sa mga dakilang gabay at ilaw ko—ang aking mga mahal na magulang. Mahal na mahal ko sila’t walang makapagbabago ng patotoong iyon. Walang sinuman ang papantay sa kanila. Walang ibang magsasalaysay ng kadakilaan nila kundi akong nagmula sa kanilang
pinagsamang dugo’t dalisay na kaluluwa… Akong galing sa kanila.

***

Panginoong Hesus, maraming salamat sa maraming pagkakataon
na ginabayan Mo ako. Salamat po  sa kaloob Mong espirutung puro at totoo. Mahal po Kita… Mahal na mahal dahil ako rin ay mula… gawa ng Iyong ama… aking ama.


About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

One Response to Ginto’t Pilak sa Pagkatao: Pagmumuni’t Pagpupuri

  1. bigfatheroo says:

    Nakaka-inspire! This is a moving one…🙂

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s