Pagmumuni muni at Pasasalamat sa Ika-22 Taon ng Buhay at Kaluluwa ko sa Mundo

Katulad ng inaasahan ko, marami ang babati sa akin ngayong kaarawan ko. May mga tumawag, nagpadala ng teks na mensahe, at nag-email. Natutuwa ako at nagpapasalamat sa mga taong nakaalalang bumati sa’kin sa araw na ito. Sa mga taong naalala lang dahil nakita sa paskil galing sa profile ko, sa mga taong nakaalala dahil nalaman sa ibang kaibigan o kapamilya ko, sa mga taong napilitang batiin ako, at sa mga taong naalala dahil tanda talaga ang araw ng kapanganakan ko—salamat ng buong puso. Salamat narin sa mga taong hindi bumati at dinedma lamang ang araw na ito. Mayroon pa namang susunod na kaarawan ko; ‘wag mag alala, naiintindihan ko. (MGA ECHOSERA!)

Sa totoo lang hindi ko alam ang gagawin sa araw na ito. Pangalawang kaarawan ko na itong malayo sa pamilya ko. Pangalawang araw ng kapanganakan na walang ginawa kundi ang ipasyal at libangin ang sarili ko. Nakakatuwa ang mga mensahe sa’kin… gusto ko ang iba ibang kanaisan (wish) nila para sa’kin. Sana magkatotoo. Si Daddy Em, may tatlo ring kanaisan para sa’kin; basta sikreto nalang ito.(Parang Genie in a bottle ang drama???) Nalula nga ako sa lalim ng mga kanaisang ito. Wala naman akong espesyal na pakiramdam sa araw na ito. Medyo nahihiya na nga kasi medyo tumatanda na ako. Ramdam ko lang pero mabuti at hindi halata sa mukha kong bagong bago! (CHAROT! HAHAHA!) Kailangan ko nang unti untiin ang pagbabago sa mga nakaugalian ko—kagaya ng pagiging isip bata. Ayoko namang mapagkamalang sintu-sinto, noh! (HAHAHA!)  Wala rin talaga akong naiisip na ibang kanaisan ngayong kaarawan ko. Pinilit ko, pero wala talaga, ayaw gumana ng isip ko. Kanina, pagkagising ko, simpleng dasal lang ang ibinulong ko… na sana mas maging mabuti at matatag akong Kristiyano. Yun kasi ang isang bagay na sigurado akong magbibigay ng kakaibang kaligayahan sa buhay ko. Iyon ang isang bagay na aapekto at mas kukumpleto sa buong  pagkatao ko—ang totoong susi sa tagumpay ng paglalakbay ng kaluluwa ko na naikubli sa katawang lupang ito… na maaagnas at malulusaw sa araw na mahihimlay na ako. Marami akong natututunan. Habang tumatagal, katulad ng isang vino, mas tumatapang at mas sumasarap ang lasap ko sa bawat pagkakataong ibinibigay sa akin ng Panginoong Hesukristo. Masarap kalingain ang pagkakataong maiimbak sa mundong ito. Masarap matamasa ang mumunting siwang  ng liwanag sa mundong kinaiimbakan ko. Ayroniko mang masasabi ngunit ramdam kong mas nagliliwanag ang daang tinatahak ko. Ako ay nagiging isang totoong vino. Totoo at patungo sa binalak ng Panginoon sa buhay ko. Marami pa akong kaarawang sasalubungin. Sumisimbolo ang numero ng edad ko sa matatapang na taong hinarap at nalagpasan ko. Ang mga numerong ito ang patunay at tropeyo na hindi lang ako isinilang sa mundo, kundi, “nabuhay” ako’t naipamahagi ang lamang bumabalot sa kaluluwa ko. Iyon ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng bawat tao… ng bawat Kristiyanong buhay dito sa mundo.

Sa muli, salamat sa aking pamilya, kay Daddy Em, sa mga kaibigan at kakilalang naging instrumento sa paghubog ng kalaliman ng pagkatao ko. Higit sa lahat, salamat sa Panginoong Hesukisto, na palagiang nariyan sa tabi ko sa mga oras na pakiramdam kong mag isa ako sa pagtahak ng tagumpay at kakaibang kasiyahang inaasam ko… Mananatili ang siwang ng liwanag sa buhay ko, hanggang sa maayos at magwakas  ang misyon ko sa mundong iniikutan ng kaluluwa ko.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

One Response to Pagmumuni muni at Pasasalamat sa Ika-22 Taon ng Buhay at Kaluluwa ko sa Mundo

  1. bigfatheroo says:

    Advance happy birthday Alexel!!!:)

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s