Tinimpla Ako ng Umaga: Salamat sa “Lunas”

Para sa Kaibigang Nars, John Mitchell Lunas, RN.

 

Tanghali na ng magising si Miguel kanina. May naramdaman siyang kakaiba habang pilit iminumulat ang naniningkit na mga mata. Basta, pakiramdam niya, iba na naman ang umagang ito para sa kanya. Naiiyak na kasi niya kagabi at ipinurga ang mga lungkot na nadama. Gusto niyang magsimula ng panibago at preskong umaga ngayon. Matapos magdasal pakabangon, tiningnan niya ang kanyang selpown. Kagaya ng dati marami na namang mga teks na mensahe; may nakalilibang galing sa kanyang pamilya, may malungkot, may nakairita, mayroon namang bumawi ng pagka-irita matapos niya itong mabasa.

Umupo siya sa kabisera ng kama at sinagot ang teks na mensaheng nangungumusta galing sa kanyang kaibigang si Mitch Lunas. Natuwa siya dahil napaka-pormal at tila inosenteng bata ang mga sagot nito sa kanya. Isang lisensyadong nars si Mitch Lunas at sinamahan niya raw ang kanyang tiyahin sa UST Hospital upang magpa-check up. Mataas daw kasi ang bilang ng blood sugar nito. Naikwento niya rin kay Miguel na maganda ang sinabi ng kanyang kaibigang doktor tungkol sa bukol sa kanyang dibdib. Epekto daw ito ng sobrang Bitamina B at E sa katawan niya. Mawawala rin daw ito sa loob ng dalawa hanggang ika-apat na linggo. Ngunit nais parin daw umano niyang magpakonsulta sa isang espesyalista patungkol sa kasong medikal na ganito. Sinang-ayunan naman ito ni Miguel. Natuwa rin silang pag usapan ang mga bagay bagay sa mundo nila. Natuwa silang pag usapan ang tungkol sa buhay pag-ibig nila. Naikwento ni Miguel na nangangapa parin siya sa katuwang nito, ngunit pilit paring kinakaya. Nagulat si Mitch Lunas sa naikwento ni Miguel. “Talaga? May boyfriend ka pala…” sagot nito habang dinudugtungan ng salitang patawa: “HAHAHA!” Napangiti ito sa reaksyon ni Mitch Lunas. Agad niya itong sinagot ng, “Oo. Bakit ka natatawa? Totoo, may boyfriend ako. Hindi mo ba nakikita sa updeyts sa FB?” Naging masayang kwentuhan ang mga sumunod na oras ng pagpapalitan nila ng teks na mensahe. Naging maligalig ang ngiti na kumurot sa mga pisngi ni Miguel sa mga oras na iyon.

Naalala ni Miguel noong nagloloko ang Facebook. Naka-set kasi ito sa salitang Filipino. Ang paborito niyang wika. Awtomatiko itong nagpalit ng wika sa Ingles. Pati mga pangalan ng kaibigan niya naisalin sa wikang Ingles. Ang apelyido ni Mitch na “Lunas” naging “Remedy.” Namumula ang mga ngiti niya sa alaalang iyon.

Tinapos na nila ang usapan dahil sa mga gagawin ngayong umaga. Nagligpit na si Miguel ng kanyang mga gamit at higaan. Sa pagtitig sa imahe ni Hesus sa tabi ng kanyang higaan, hindi maipinta ang kanyang mga ngiti. Isa nga itong maganda at kakaibang umaga. Isang umagang inumpisahan sa saya.

Naisip niyang anghel si Mitch Lunas na ginabayan ni Hesus upang mapasaya siya sa dati rati’y makulimlim niyang gabi at umaga. Siguro, tama ang pagbaybay niya sa apelyido nitong kakaiba. “Lunas”—tagapaglunas ng sakit at lungkot sa dibdib ng kaibigang tigib sa pagsulat ng mahamog na landas.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s