Si Teresita, ang Tinig ng mga Pipi’t Walang Pandinig sa Mundo ng Maiingay na Salita

Para sa mga taong kinakapos sa Pang-unawa

Matagal ko nang gustong makapanayam si Mrs.Teresita Esternon, isang guro para sa mga kapatid nating pipi at bingi. Isa siyang lisensyadong Interpreter (Sign Language Specialist) na kasalukuyang nagtuturo sa Philippine School for the Deaf and Mute. Natapos niya ang espesyal na kursong nabanggit noong taong 1997.

Si Mrs.Esternon ay kadalasang makikita sa isang TV-Healing Mass sa SM Mega Mall sa Mandaluyong. Na-agaw niya ang aking atensiyon noong mga araw na bago pa lamang ako sa pagsimba sa kapilya ng Mega. Maraming tao pero siya lang ang pumukaw sa nahihimbing na ulirat ko sa pagsimba. Hindi kasi ako pala-pansin ng tao kapag nagsisimba. Nakatuon ang atensyon ko sa Panginoong Hesus. Siya lang naman talaga kasi ang dahilan ng pagpunta ko roon. Wala nang iba. Wala akong paki sa mga taong magaganda, gwapo, pabida at kontrabida sa simbahan. Alam ko na ang daloy ng “katuwaang” iyon sa banal na simbahan. Madalas kong pagmasdan si Mrs. Esternon hindi dahil sa nagnanasa ako sa kanya (Haller???) kundi humahanga ako sa espesyal niyang katangian; bukod sa pari na magaling ring pumukaw ng mga salita sa tabi niya. Mabuti pa kasi ang pari at mga leyo sa may tabi niya, may pagkakataong makaupo. Siya, umpisa pa lamang ng misa, nakatayo lang… hanggang sa matapos ito sa loob ng isang oras at may kalahati. Kakangalay iyon. Humanga rin ako sa kanya lalong lalo na sa mga oras na tila hinahabol niya ang mga salitang binibigkas ng pari sa sermon niya batay sa Bibliya at iba pang tagapagsalitang leyo sa kapilya—isinasalin niya ito sa mga kampay ng braso, kamay, daliri kasabay rin ng ekspresyon ng kanyang mukha. Mahirap ang kanyang ginagawa. Isang sakripisyong nagpapasiklab ng pagmamahal sa ating mga espesyal na kapatid na naroon sa loob ng kapilya at iba pang nanunuod sa kanilang mga telebisyon sa tahanan.

Pagkatapos ng misa nilapitan ko si Mrs. Esternon upang kausapin at magpa-iskedyul ng panayam sa kanya. Nagpakilala ako at sa mga oras na iyon namula siyang bigla. Nahihiya raw kasi siya. Agad kong sinabi na hindi ako reporter sa isang TV Show. Sinabi ko ring hindi naman mapa-pablis sa diyaryo itong gawa kong ito… sa Blogsite ko lang naman kako at sa Facebook Notes. Sabay kaming tumawa ni Mrs.Esternon. Maganda siyang kausap. Magaan ang loob ko sa kanya. Kaya naman naging kampante ako sa pakikipagpanayam sa kanya. Marami akong nalaman sa kanya. Nalaman ko ring mahal pala talaga ang matrikula kapag nag-aral ka ng espesyal na kurso katulad niya. Kaunti lang naman daw kasi sila noon sa ganitong kurso. Nasabi niya ring kung ang ordinaryong kursong BSED ay mahirap mas mahirap daw sa kanila—pinag-aaralan din kasi nila ang ibang espesyal at maselang teknik upang makitungo sa mga espesyal nilang estudyante. Sensitibo raw kasi ang mga katulad nila. Ngunit hindi mo rin daw pupwedeng ipakitang “iba” sila sa tinatawag na “normal” ng karamihan. Masasaktan sila at mahihirapan na ulit silang kunin ang tiwala ng estudyanteng ito upang makitungo sa kanila sa klase. Marami pa siyang nabanggit. Natapos siyang magsalita. Nakanganga nalang ako. Damang dama ko ang bawat salitang binibitawan niya. Tila nagsasanib ang aming kaluluwa, habang pinatutulo ang salitang magdurugtong sa kakaibang pagkataong ihinaharap sa akin sa mga sandaling iyon.

Maya maya habang patapos na ang pakikipagpanayam ko sa kanya, may isang dalagitang lumapit sa amin. Isa siyang pipi at hindi rin nakaririnig. Ngumiti siya sa akin at may sinenyas sa amin. “EXCUSE DAW” sabi ni Mrs. Esternon. Hindi ko na maintindihan ang ibang mga kampay na salita nila. Tinitigan ko lang ang dalawa. Masaya akong pinagmamasdan sila. Para silang mag ina. Naalala ko sa dalagitang iyon ang pinsan kong katulad rin niya—maganda at makikita rin ang katalinuhan sa kanya. Ipinakilala ako ni Mrs. Esternon sa dalagita. Ang sarap pagmasdan ng kanyang mga ngiti habang patuloy parin sa pagkampay ang mga braso’t daliri niya. Tila mga pakpak ito ng isang anghel na nagsasaboy ng pagmamahal sa kapwa. Katulad ng mga lingib na tinig ng mga anghel, naitago ito sa gunita ng mundo ng mga tao na iilan lamang ang may kakayahang makaunawa. Iilan lamang ang may karapatang umunawa.

Tumulo ang pigil kong luha sa mga sandaling iyon. Tila tunmigil ang mundo sa pag galaw. Wala akong marinig, wala akong mailabas na salita… Kumislap ang mga natatagong salita sa loob ng munting kapilya. Tahimik akong nagpaalam sa dalawa. Ngumiti ako at iniwan ang kislap ng aking mga mata sa kanilang dalawa.

Saglit akong napatitig sa altar ng kapilya… May mas makapangyarihan pa pala kesa sa mga naririnig na salita— iyong minimina ng sarili mong katha… iyong pinadadaloy ng sarili mong dagta: PAG-UNAWA.

Salamat sa salaming pinahiram sa’kin ng Lumikha. Salamat sa malawak kong pang unawa sa kapwa.

Hindi ko lamang narinig ang banal Mong salita, dinama ko ito’t ibinahagi sa espesyal Mong mga katha.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

One Response to Si Teresita, ang Tinig ng mga Pipi’t Walang Pandinig sa Mundo ng Maiingay na Salita

  1. bigfatheroo says:

    Nakakamangha…. I am proud sa mga ganun klaseng tao….🙂

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s