Mula sa Pagbabasa ng Itim Na Tomo Galing La Salle

Kanina tumunog ang alarm ng aking selpown. Alas singko y medya na. Babangon ba ako o matitipla ulit sa kumot ko at muling magpapagitna at hahabol sa mga panaginip kong nabitin dahil sa tunog ng malakas na alarm. Yan ang tanong ko sa aking sarili kanina. Nakahiga pa rin ako noon. Maraming teks na mensahe sa aking selpown. Labinlimang mensahe. Nakakatamad basahin. Pero kailangan dahil baka may importante sa mga ito. Limang kowts, tatlong promo mula sa network, at ang iba ay mensahe mula kay Daddy Em em. Umpisang muli ng palitan namin ng mensahe. Nagpaalam muna akong saglit upang magligpit ng aking pinaghigaan. Inayos ko ang komporter, mga unan at ang sapin ng higaan ko. Ipinagpag ko ang komporter; nahulog mula sa pagkakasiksik dito ang isang libro na kagabi’y binasa ko habang kasabay na nanunuod ng balita sa CNN sabay ang paglipat sa BBC at Aljazeera. Isa itong Tomo (literary folio) na bigay sa akin ng isang kaibigang manunulat sa De La Salle-Manila. Mahilig kasi akong magbasa ng mga maiikling kwento at tula. Gusto ko ng Filipino. Hindi ko alam kung bakit pero mas malapit sa akin ang salitang ito. Ito na nga ang itinuring kong “mother tongue” ko. Lumaki ako sa Bicol sa probinsya ng Albay ngunit ang aking ina ay isang purong Tagala ng Mindoro. Kaya marunong rin akong makipag usap ng matatas na Tagalog sabay ang punto na pinaghalong Batangas at Katimugan. Nakakatawa iyon, pero nakalilibang gawin ito. Ayun, balik tayo sa Tomo na bigay ng kaibigan ko. Marami akong gustong katha sa librong iyon. Tinandaan ko ang pangalan ng mga may akda sa kanila. Basta, gusto ko lang maalala ang mga pangalan nila baka kung sakaling makasama ko sila sa isang pagtitipon, makahihingi ako ng awtograp at maikukwento ang akda nilang nakalilibang. Naalala ko tuloy ang isang kaibigan noong nasa kolehiyo pa ako. Ang sabi niya sa akin noon, bakit palaging sa Filipino ang mga isinusulat ko. Sabay pagpangaral sa akin na nagpapakadalubhasa ako sa Ingles. Batsilyer ng Sining sa Ingles ang tinapos ko sa kolehiyo. Ito ang tatak na ipinatente sa pangalan ko ngunit bakit daw hindi ako madalas gumawa ng sulatin gamit ang wikang ito.”Hindi kasi ako magaling sa Ingles.” Yun ang patawang sabi ko sa kanya. Hindi siya tumawa. Binatukan niya ako’t sinipa sa biyas. Napa-aray ako sa lakas ng sipa’t batok niya. “Bakit?..Ang sakit ha!” sigaw ko sa kanya habang nakaismid ang mukha ko’t hinihimas ang masakit na bahagi ng aking biyas at batok. “Tumigil ka nga! ..Magaling ka kaya. Nakita ko na yung ibang mga sinulat mo. Nabasa ko na. Magaling ka magsulat sa Ingles. Ipagpatuloy mo.” mga nakatutuwang sambit niya habang nauuna sa paglalakad sa akin. Nakangiti lang ako at tumahimik. Sabay kaming naglakad papunta sa kampus ng BU sa bayan ng Daraga.

Hinimas ko ang mga nakausling titik sa Tomo. “Malate Literary Folio,” iyon ang pangalan ng tomong iyon. Kulay itim at may mga nakakubling larawan ng tila lumang gusali na katulad ng madalas kong makita sa Intramuros at USTe. Maganda at pormal na pormal ang pabalat ng tomo. Yung tipong hindi mo pa nabubuksan alam mo nang mga obra maestra ang mga nilalaman. At hindi nga ako nagkamali. Totoo. Mga nakabilad itong titik sa mata ko sa pagbangon ko sa umagang panay hanap ng ginto ng mga tao.

Lumabas ako ng silid. Maayos na ang kama. Nailigpit ko na lahat. Mag aalmusal na ako. Pero parang hindi naman ako gutom. Busog na kasi siguro ang kaluluwa ko. Sa mga mensaheng teks mula sa mga kaibigan, kapamilya at mahal ko; kasabay ng panalangin kay Hesus at sa ginintuang tomo na kagabi’y nabasa ko— busog na ang kaluluwa ko. Kaloka naman kasi ang katawang lupang ito. Mapaghanap ng lamang ilalaman rin sa sikmura kong puno ng puso.

Bumaba ako ng hagdan. Sumilip ang liwanag mula sa kristal na bintana sa kaliwang banda ng barandilya nito. Tila hudyat ng panibagong umagang buo at magdadagdag ng puso sa kaluluwa at tiyan ko.


About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s