Isang Malikhaing Linggo: Sa PICC at ang Nagpapanggap na Libro

Para sa mga totoong Mangingibig ng Literatura

Linggo ngayon. Kanina kasama kong nagsimba si Sheng. Nagsimba kami sa PICC, pahinga muna sa TV-Healing Mass sa Mega. Mas matanda ng ilang taon sa’kin si Sheng pero nakasanayan ko na siyang tawagin sa pangalan lang. Siguro dahil sa masyado akong nasanay sa mga Amerikanong palabas. Nakakaloka, ano? Mahilig akong magsulat sa Filipino pero pagdating sa palabas o mga TV series mahilig akong manood ng Ingles. Well, iba iba talaga trip ng makamundong pananaw, persepsyon at katawan natin. Iba iba ang panlasa sa bawat bagay na gusto natin. Ganun tayong mga tao.

Balik tayo sa kwentong pagsisimba ko. Ayun, panay kwentuhan namin ni Sheng papunta pa lamang sa MRT Isteysyon. Andami naming pinagkwentuhan, iba iba— may mga nakakatawa, nakakainis at nakakakilig. Ganun talaga, isang babae at lalaking sinapian ng maharlikang kaluluwa ng isang dyosa ang magkasama eh. Ano pa ba ang magagawa ng mga kasabayang pasahero kundi ang makinig at manginig sa mga kwento naming nakakaloka! Ayun, bumaba kami sa Taft Avenue Isteysyon. Hindi na kami magta-taxi kasi wala nang magsasakay doong drayber sa baba. Marami kasing nangogotong sa kanilang mga kapamilya ng sigang barker na kapag hindi mo binigyan, lagot, basag ang salamin o hahampasin ang bumper ng iyong kakarag-karag na sasakyan. Buti nalang talaga at maraming opsyun sa Metro Manila. Marami kang pwedeng suutan; maraming pwedeng sakyan. Basta may pera kang dala, gowra lang! Nagdesisyon kaming mag-LRT nalang. Bumaba kami ng Vito Cruz Isteysyon at naglakad patawid sa kabilang dako ng daan upang doon sumakay sa filcab papuntang PICC. Nililibre niya ako sa pamasahe ngunit tumanggi ako. Nakakahiya naman kasi. Tsaka, may natitira pa naman sa’king “pagkaLALAKI.” Ano daw? Nasabi ko ba iyon? ‘Wag niyo nalang masyadong pansinin. Medyo hilo lang ako sa biyahe namin kanina.

Ayun, nakarating kami ng PICC, habang tumatawid papunta sa Geyt ng PICC tinanaw ko ang katabi nitong gusali, ang CCP Complex ganun din ang nakakaakit na Star City. Naikwento sa’kin ni Sheng na noong panahong Marcos marami raw iskwater sa mismong kinatatayuan ng sosyal na gusali. Marami raw noong namatay sa gusaling iyon kaya marami ang kwentong multo rito. Kumunot ang aking noo sabay tanggal ng shades ko sa mata upang mas matitiganang gusali. “Hmmm, sige nga.. magpapakita kaya sa’kin ang mga multo…may gwapo bang multo?” pilit siniseryosong tanong ko kay Sheng. Natawa siya sa sinabi ko at agad ibinaling ang usapan sa Star City. Sa tagal niya raw na pabalik balik sa PICC, ngayon lang daw niya napansin ang kagandahan ng Star City. Siguro, ito’y marahil ako ang kasama niya… napansin niyang ang Star City at ako ay parehong maganda at bongga! HAHAHA! Ewan. Puro kalokohan na naman ngayon ang nasa isip ko.

Ayun, nakapasok na kami sa PICC, nagpunta muna kami sa CR; kailangan naming mag ayos, ayokong mapahiya kay Papa Jesus. Gusto ko, isa ako sa mga mapansin niya. Gusto ko mas maging proud siya sa makikita niya na ang isang katulad kong hindi perpektong taong likha Niya ay may kakaibang ningning sa kanyang mga mata.  Gusto ko Siyang akitin ng saya at malugod pang pananampalataya. Gusto kong magpasalamat at purihin Siya. Hinintay ko si Sheng sa labas ng CR. Sabay kaming pumasok. Papapsok pa lamang, rinig mo na ang hiyaw at awitan ng mga tao. Rinig mo ang maganda at mabilis na musika na pinapupurihan Siya. Tumayo kami sa likod, ito kasi ang patapos na unang sesyon. May isang babaeng tagapag-alalay ang lumapit sa amin. Isinama niya kami sa lugar kung saan may mga bakanteng upuan. Sabay na natapos ang sesyonat agad kaming nagdesisyong lumipat ng upuan. Gusto namin sa may bandang unahan. Yung kita namin ang pigura ng katawan at mukha ng mga magsasalita sa entablado ng harap-harapan. Ilang minuto rin kaming nag-antay. Habang abala ang mga tao sa loob ng sosyal na gusaling iyon, nakaupo lang kami at tahimik na pinagmamasdan ang lahat. Nginuya ko ang bigay na kendi sa akin ni Sheng kanina. Kasabay ng pagnguya, napansin ko sa bandang kaliwa ng entablado ang mga kumakanta sa banda. Maganda ang mga boses nila. Gusto ko sana silang kausapin at pakiusapan kung pwede kong hiramin saglit ang mikropono. Gusto ko kasing kumanta. Para sa mga hindi nakakaalam, marunong akong kumanta. Matagal tagal ko na ngang hindi nagagawa ito. Nakakakanta lang nga ako kapag umuuwi sa aming bahay sa probinsya sa Albay. Doon lang sa bahay o kung may mga pa-kontest sa barangay. Apat silang pangunahing bokalista. Dalawang babae, dalawang lalaki. Gwapo yung isang lalaki. Sabi ni Sheng kahawig ko raw. Natawa ako sa sinabi niya. Ayokong maniwala. Baka kasi kapag tumingin ako ng salamin, maalala ko siya at magustuhan bigla ang sarili ko. Tumitig silang apat sa amin at agad na ngumiti. Siguro napansin nilang nakatingin kami. Agad naman namin itong sinuklian ng matatamis na ngiti. Naningkit ang mata ko lalo na nung ngitian ko ang lalaking natipuhan ko. “Naku, mamaya, kapag isinulat ko ito sa FB notes, mababasa ni Daddy Em em.. baka mangilas (magkanda-duling) ang mga mata sa selos. Crush lang naman. HAHAHA!” sa loob loob kong sabi sa sarili habang nagingiti. Maya maya pa ay biglang may umakyat na mga lalaki at babaeng may hawak na trupeta, flute, gitara (electric guitar) at byulin. Tinitigan ko sila. Naalala ko nung panahong tumutugtog ako gamit ang gitara at piyano. Nakakatuwa sila. Nabigla ako nang bigla akong titigan nung isang lalaking may hawak na trumpeta. May hitsura. Moreno at at katamtaman ang maskulo sa katawan. Mababa ito tingnan. Parang katulad ni Daddy Em em lang siguro ang taas niya. Mga 5’5″, ako naman mga 5’6-7″. (Oo, ako na! Ako na ang matangkad!!! HAHAHA!) Nahiya ako nung tumitig siya sa’kin. Mahiyain kasi ako kapag ganun. Hindi lang halata pero naninikip ang puson at kumakabog ang dibdib ko kapag ginaganun ako. Oo, ganun ako. Minsan pilyo, este, pilya pero bibig lang ang “bumuboso” hindi ang mata ko.

Ayun, nagsimula na ang misa. Hindi ko masyadong maintindihan ang sinasabi ng pari. Mas magaling parin magpahayag ng mensahe hango sa Bibliya si Fr. Mario sa Mega. Na-miss ko tuloy siya nang mga oras na iyon. Taglish kasi, tsaka, nakakalula siyang magsalita. Parang ako lang noon sa klase nina Dr. Bartolata at ng thesis adviser kong si Dr.Meneses. Pero hindi na ngayon ha. Naging Instructor na nga ako at Trainer gamit ang pinagkadalubhasaan kong wika, ang Ingles. (Yavang mo oi!) Ayun, mabalik tayo sa pari; mabuti nalang talaga magaling yung kasama niya. Si Bro.Michael Angelo Lobrin. Nakakatuwa siya. Dinadaan niya sa patawa ang pagsasalita niya upang makuha ang atensyon ng mga tao sa loob ng misa. Maganda rin ang ang mga binitwan niyang mensahe,”..We walk by faith, not by sight..” Gusto ko iyon. Ayun, naikwento sa akin ni Sheng na may libro daw itong si Bro. Michael Angelo. Na-excite talaga ako lalo pa nung malaman kong naisulat ito sa Filipino at puno daw ng patawa. Hiniram ko ang libro kanina kay Sheng nang makauwi kami pero umpisa palang disappointed na ako. “TagLish” ang libro at hindi masyadong nakakaaliw ang mga kwento. Mas marami kasi ang mga FOREWORD ng iba ibang obispo, pari, mga kilalang personalidad kagaya nina Nova Villa, Bayani Agbayani, at Boy Abunda. Kakaunti ang mga kwento, maikli na nga, bitin pa. Hindi ko rin masyadong maramdaman ang puso sa bawat salita. Parang basta lang ito isinulat para maibenta sa mga taong mambabasa at naaliw sa kanyang mga patawa. Hindi ko rin gusto ang mga komentong nambobola na nakapaloob dito. Ayoko kasi ng hindi totoo ang isinusulat… na hindi totoo ang mga komento. Hindi akma ang titulo nito sa mga kwento sa loob. Magulo, walang punto. Basta lang humugot ng mga berso sa Bibliya pangsuporta sa mga kwento. Nalungkot ako habang kinikilatis ang mga salita dito. Ito ay isang librong hindi ko maisasama sa mga koleksyon ko. Hindi ito totoong libro ng reyalidad ng tao. Ito ang opinyon ko patungkol dito. Iyon ang naramdaman at natugunan ng kaisipan ko habang sinisipi ito ng mga mata at kaluluwa ko.

Ayun, masyadong seryoso ang parteng iyon ng kwento. Basta ngayon, alalahanin niyo na ang isang libro lalo pa at sinasabi nilang hinugot ito sa banal na libro—ang Bibliya, dapat may puso at kaluluwa. Ito kasi ang buhay ng libro at ng mga titik na nakapaloob dito. Ito ang sinag na lalabas mula sa pagbukas ng mambabasa sa bawat pahina nito. Ito ang katas na ilalabas at tatagas sa bawat salita sa loob nito. Magaling siyang magsalita kesa magsulat ng mga ito. Sana nga mabasa ito ni Bro.Michael Angelo. Mas ikalulugod ko kapag nangyari iyon kasi alam kong nagmula sa puso ang sulating ito… ang kometo ko rito.

Kakaloka. Napagod ako dun ah. ‘Di bale, mamaya magbabasa uli ako ng maraming maikling kwento’t tula. Yung nanggaling sa mapapalad at sumisilab na mga gunita hango sa buhay ng tao dito sa mundo na ginabayan ng aking Panginoong isinulat ang pangarap at pagkatao ko. Hanggang sa mga susunod pang linggo ng buhay ko.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

One Response to Isang Malikhaing Linggo: Sa PICC at ang Nagpapanggap na Libro

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s