Ang Matapat Kong Kaibigan sa Albay: Pagsilip sa Isang Kwento ng Buhay

Naalala ko ang isang kaibigan nang minsan niya akong imbitahang dumalaw sa isang malaking unibersidad sa Albay na kanyang pinapasukan. Matagal na kaming hindi nagkikita kaya agad ako noong tumugon sa kanyang imbitasyon. Nagulat ako nang makita ko s’ya dahil sa laki ng pinagbago ng kanyang itsura. Mula sa dating mukhang walang makain, aba, eh talagang nagmukha itong mayaman! ..at hindi gaya ng dati, s’ya ngayon ay nagi nang mapustura.

Tuwang tuwa s’yang makita ako sa kanilang faculty room; agad niya akong hinagkan ng “beso” maka’tlong beses sa pisngi habang nakahawak ang kanyang mga kamay sa aking magkabilang balikat. Hindi ako makapaniwalang s’ya na ‘yon… Tinanong ko pa nga s’ya kung s’ya na ba talaga iyon… natatawa siyang sumagot ng “Oo, ako nga ito, Lesbiyana ka!” (tinatawag niya akong “Lesbiyana” dahil sa pormang “straight” na lalaki parin ako kahit talagang aminado naman ako sa aking sekswalidad) Napakalakas ng tili ng aking kaibigan kaya nagtinginan sa amin ang ibang propesor at estudyanteng  naroroon. Medyo hindi maganda ang tingin ng ilan kaya agad akong nagtakip ng mukha at niyaya s’yang lumabas nalang upang ‘wag makaistorbo. Humingi naman kami ng dispensa sa lahat ng taong na-eskandalo ng tili ng aking kaibigan. Dumiretso kami sa kantina at umorder ng mami at shao long pao (maliit na sio pao—mas malasa kesa sa ordinaryo). Tinanong niya ako kung gusto ko daw ng “itlog” pero iba ang nasa isip ko ng mga panahong iyon kaya pabiro ko s’yang sinagot ng “laylay ba ito o hindi???” Agad niya akong binatukan at pasigaw na nagsabi “kalang uyam mo, Lesbiyana ka!” (nakakainis kang Lesbiyana ka!) Umupo na kami habang tuloy parin sa katatawa, hinintay ang aming order at nagchikahan.

Una niya akong kinamusta kung ano na daw ba ang pinag gagagawa ko sa ngayon, kung sino na daw ang boylet ko, kung gwapo daw ba at kung estudyante pa. Tawa ako nang tawa sa paraan ng kanyang pagtatanong. Masyado kasi s’yang bulgar magsalita at hindi ako masyadong maka “ride-on” sa lengwahe niya—ang so-called gay lingo. Kakaiba kasi talaga at ang lebel ay pang mataasang posisyon ng isang bakla—kumbaga sa edukasyon ng tao ay post graduate level na, duktorado: Ph.D. in Gay Lingo, hahaha! Sinagot ko isa isa ang kanyang mga tanong; sinabi kong katulad niya ako rin ay nagtuturo ng ingles, literatura at iba pang lingwistikong mga asignatura sa kolehiyo. At pinabulaanan kong estudyante ang aking kasintahan at sinabing isa s’yang gwapong nars. Ang daldal niya katulad ko minsan pag nasa mood dumaldal… Ang laki ng pinagbago ng kanyang itsura pero kagaya parin ng dati ang kanyang ugali. Hindi mo mapagkakamalang isa na s’ya ngayong propesor sa sikolohiya at pilosopiya. Galawgaw parin kasi at parang bata katulad ng iba kong kaibigang propesyunal narin ngunit may konting ‘sayad’. Hahaha!

Marami kaming napagkwentuhan at isa na d’yan ang tungkol sa kanyang buhay pamilya, pakikipagkaibigan at ang paborito ng lahat pag usapan—pag-ibig. Nag iba ang timpla ng umaga ng panahong iyon… tila biglang dumampi ang takipsilim mula sa pagiging banayad ng panahon habang isinasalaysay niya sa akin ang kanyang masalimuot na buhay pag ibig.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagk’wento, biglang tumulo ang nangingilid na luha sa kanyang mga mata. Ako naman ay nadala at napadukot ng panyo sa bulsa. Hindi daw niya alam kung bakit sa karamihan ng kanyang mga naging karelasyon ay wala man lang daw naging totoo at matapat. Ginagawa naman daw niya ang lahat, binibigay lahat sa abot ng kanyang makakaya… hanggang sa halos wala na sa kanyang matira… Gusto ko sanang magsalita sa mga oras na ‘yon ngunit pinili kong makinig na lang at sumama sa agos ng luhang inilalabas ng kanyang damdamin. Bakit nga naman talaga ganun? Natanong ko rin sa aking sarili… Sa mga nakaraang  relasyon na pareho ang sanhi ng pagkakawasak. Normal naman siguro talaga na sabihin ng ating katawan na “sige, mag init ka!” pero hindi ba’t meron tayong isip at tinuruan tayong tingnan, suriin ang mga nararapat at ‘di nararapat gawin buhat nang tayo ay nasa elementarya pa lamang hanggang sa umabot sa tertiary level o terminal stage of education? Pinigil ko ang awa na aking nararamdaman sa kanya na nakikinita ko rin sa aking sarili noon… Ayoko s’yang kaawaan, bagkus, gusto ko s’yang saluduhan dahil nagawa niyang tayuan lahat ng iyon… Ilang beses man s’yang nadapa at nadurog hindi niya hinayaang maging balakid ito upang tingnan ang ibang anggulo ng buhay—na ikasisiya pa niya… Tila mga halaman kaming nadiligan ng mga panahong ‘yon.

Maka ilang minuto ng kanyang pagkukwento, agad s’yang huminto at tumingin sa akin. Tiningnan ko s’ya habang nakangiti at tumatango sa kanya… Humanga ako sa katapangan niyang aminin ang lahat ng ‘yon sa akin. Ang tagal na nga talaga naming hindi nagkita, at marami rami rin ang kanyang naikwento sa akin. Marami raming luha rin ang naipon sa kanyang dibdib na iniluwa ng kanyang naniningkit nang mga mata.

Natapos ang aming usapan doon. Nagyaya na akong umuwi para sa iba pang mga dapat kong asikasuhin. Nakakaloka talaga! Animo’y isa akong mandirigmang Griyego na pin’wersang manuod ng isang komedya at isang trahedya ni Aristoteles para sa katarsis (sa ingles, catharsis). Sa konteksto ng literaturang Griyego, ang katarsis ay ang pagpurga ng mga masasamang emosyon ng tao katulad ng awa at takot… Hindi ko na pahahabain pa ang deskripsyon nito… Magbabayad na kayo ng isang semestre upang mapag aralan ito. (ECHOS! CHUMACHAROT LANG!)

***

Naniniwala akong ang relasyon ay wala sa sekswalidad ng tao—bakla, tomboy, bisekswal, heterosekswal: lahat ay dumadaan sa masaya at masalimuot na sitwasyon ng buhay (hamon sa pagiging ganap na “tao”). Naniniwala rin ako na ang mga nakikipagrelasyon ay nararapat lamang na magkaroon ng tapat na pagmamahal sa isa’t isa. Naniniwala ako na ang pagpasok sa isang relasyon ay dapat may nakaagapay na “kalayaan”; ngunit marapat ding isaalang alang na ang “kalayaang” ito ay responsable sa kahit anumang landas na matatahak. Naniniwala ako na ang pagtatalik ay parte at ekspresyon ng pagmamahalan, ngunit kapag ang dalawang hubad na katawan ay nakabase lamang sa siklab at init nito, ito ay walang pinagkaiba sa mga  uod na sumisiksik at sumisira lamang sa pang ibabaw na laman.

Para sa mga taong walang karelasyon at naghahanap sa ngayon, ‘wag kayong magmadali. Hindi naman ito karera o patintero ng mga meron sa wala eh. Ang dapat na itanong sa iyong sarili ay kung: handa ka na bang yakapin ang ‘responsibilidad’ na nakapaloob sa pakikipagrelasyon? Handa ka na bang maging responsable at tapat na mangingibig? BUO ka na ba (buo na ang iyong pang unawa, pagmamahal sa sarili, kaluluwa at pagkatao upang maibahagi ito sa iyong magiging karelasyon—karamay sa buhay)? Kapag maluwag sa dibdib mo nang masasagot ng OO ang mga katanungang iyon, sige, umpisahan mo nang katukin ang pintuan ng pakikipagrelasyon… Siya Nawa!

 

About these ads

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s