Iba ibang Konteksto ng Pagmamahalang Kapwa-Lalaki (Para sa mga Takot Maging Bakla—Sa mga tinatawag na”Bisekswal”)

Marami parin sa ating mga Pilipino ang hindi nakakaalam ng salitang “konteksto”. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang iyan? Konteksto ay ang pagbibigay ng paliwanag o pag eksamin sa isa o ilang mga bagay sa ating paligid. Maaaring maging “konteksto” ang isang tao, hayop o kahit ano pa. Ang konteksto ay buod o nilalaman ng isang pangungusap o ideya na nais ibahagi sa iba’t ibang paraan ng pangungusap o akda o ideya upang ipabatid ang tunay na nilalaman nito sa isang malawak na pamamaraan.

Ito ay iba sa salitang “teksto”. Ang “teksto” ay ang pagpitak ng ideya sa salita o sulatin. Kagaya na lamang ng pagsusulat ng mga tula, sanaysay, maikling kwento, atbp.

Ano naman ang sinasabi kong “iba ibang konteksto ng pagmamahalang kapwa-lalaki”? Ito ay ang iba ibang pahayag ng tao sa lipunan patungkol sa pagmamahalang kapwa-lalaki. Ito ay ang kanilang pag eksamin, pagbibigay kahulugan, pag aanalisa sa malawak o simpleng paraan sa mga bagay patungkol dito.

Ang “konteksto” ng nasabing pagmamahalan sa Pilipinas o sa ibang panig ng mundo ay “homosekswalidad” (homosexuality) na karamihan sa nilalaman ay negatibo. Bakit ito negatibo?

Karamihan kasi sa atin kilala o tatak sa isipan na kadalasan sa pagiging “homosekswal” o bakla ay ang maging mapagnasa. Na kadalasan sa kanila ay mahilig sa seks. Totoo ito. Pero sa aking palagay, hindi lang naman ang mga “homosekswal” ang nalulugmok sa sitwasyong nabanggit. Gayundin ang mga tinatawag na “straight”, “heterosekswal” o pagmamahalang babae at lalaki. Marami ring lalaki at babae ang nagiging mapagnasa, sa makatuwid, ito ay totoo pangkalahatan at hindi lamang sa mga “homosekswal”.

Ang isa pa sa palagian kong naririnig buhat sa elementarya ay ang pagkakatekesis na ang homosekswalidad ang dahilan ng pagsira ng Diyos sa Sodom at Gomorrah. Nasasaktan ako kapag binabanggit ito palagi  sa loob ng klase. Naiinis ako sa matatandang katekista na kadalasan ay may lamang panghuhusga ang pagbanggit dito at talagang pinagdiriinan pa nila na parang daig mo pa ang inapuyan ng impyerno sa loob ng klase.

Kulang nalang ay isampal nila sa akin ang papel na hawak nila gayundin sa ilang mga kaklase ko noon na katulad ko ring “nagtatagong” bakla. (Sa panahong iyon kasi nagtatago pa ako sa aking “shell” kaya hindi maka-boka, hahaha!)

Nang matapos noon ang katekesis at pag uwi sa bahay agad kong binuksan ang Bibliya. Hinanap ko yung sinasabi ng katekista na Sodom at Gomorrah. Inintindi kong maigi kung talagang ang “homosekswalidad” ba talaga ang dahilan ng pagsira sa nasabing mga lugar. At ayun nga, nabasa ko sa Genesis Chapter 19 ang pagbisita ng dalawang anghel na nagkatawang tao. Sila ay “pinagnasaan” ng mga kapwa lalaki sa bayan ng Sodom.

Nais silang makaniig ng mga kapwa nila lalaki roon. Medyo napaimpit ang aking bibig nang basahin ko iyon. Sinabi ko sa sarili ko nang mga panahong iyon, hindi naman ako naging ganito. Hindi naman ako nagnanais na makipagtalik  sa kung kani kaninong lalaki. Pero, bakla ako dahil nagmamahal ako ng kapwa lalaki. Iba iyon sa purong pagnanasa lamang. Alam ko iyon sa sarili ko na iyon ang totoo. Hindi doon nagtapos at nagpatuloy ako sa pagbabasa. Nakita kong hindi naman pala talaga “homosekswalidad” ang puno’t dulo ng pagsira sa Sodom at Gomorrah gaya ng nabanggit at pinagdiinan ng isang matandang katekista sa aming klase noon.

Sa Ezekiel 16:49-50 sinasabing ang mga tao ay naging arogante, malamon, at ganid na umabot sa puntong hindi na nila iniisip ang kapakanan ng iba… hindi na nila tinutulungan o binibigyang pansin ang kanilang kapwa.

Sa pagkakataong iyon, natuwa ako. Hindi “homosekswalidad” ang puno’t dulo ng pagsira ng Sodom at Gomorrah. Base sa nabanggit sa Genesis, naging kasalanan lamang ang “homosekswalidad” dahil sa naging  MAPAGNASA (LUSTFUL) ang mga tao sa kanilang kapwa. At ang pagnanasa ay isa sa mga tinatawag na mortal na kasalanan na kasama sa mga ipinag utos ng Diyos na ‘wag mangayari sa atin.

Para naman sa akin, walang karapatan ang kahit sinuman sa ating  husgahan ang kapwa. Hindi lahat ng nagmamahalang lalaki ay mapagnasa. May ilan parin sa kanilang nagmamahal talaga ng totoo. At ika nga ng paborito kong Sikolohistang si Dr.Margie Go Singco-Holmes: “Let’s do away with labeling.” Tama! Alisin natin ang paglalapat ng pangalan sa pagmamahalan ng mga tao—na “homosekswal” sa nagsasamang kapwa-lalaki at “heterosekswal” naman sa tinatawag ng lipunang “normal” na nagmamahalang babae at lalaki.

Hindi naman kasi talaga dapat binabalot ang pagmamahal sa sekswalidad ng tao. “Love knows no gender,” ika nga. Kung nagmamahalan, eh ‘di magmahalan nalang, katulad ng sinabi nina Danton Remoto at J.Neil Garcia sa kanilang librong, Ladlad: Anthology of Gay Writings.

Walang nakakatakot maging isang bakla. Walang nakakatakot ipangalandakan sa lahat na ikaw ay nagmamahal ng kapwa lalaki o babae. Lahat tayo ay may kalayaang manindigan sa ating paghahayag. Lalong lalo na kung alam nating responsible ang paghahayag na ito. Na ito ay nagmula sa kaibuturan ng ating puso at kaluluwa. “God’s wisdom is unfathomable..” hindi natin dapat hinuhusgahan ang mga nagyayari sa ating kapwa at paligid. May dahilan ang lahat ng pangyayari. May dahilan kung bakit ang ikaw ay ikaw parin ngayon, at kung bakit ang ako noon ay iba na ngayon. Nangyayari ito dahil may dahilan ang Diyos upang mangyari ito.

Ganito ka ngayon dahil may dahilan Siya at ito ay hindi maiintindihan ninuman. Kahit isang Pastor, Pari, Obispo o Papa na nagpakadalubhasa sa aral ng Diyos walang “definite” na sagot patungkol dito. Walang sinuman sa kanila ang nakakaalam ng lahat lahat…

Ang ating sekswalidad mapa-babae man o lalaki ay hindi nakaukit sa bato. Kagaya nga sa isang pahayag ni Dr. Holmes: Hindi ka nakasisiguro sa iyong kasarian; o sa mga magugustuhan mo bukas-makalawa.

Ngayon, kung ikaw ay isang “straight” na lalaki, maaaring babae ngayon ang tipo mo; bukas makalawa, baka lalaki naman ang tipo mo.

Masyado pang mahaba ang talakayang ito palagay ko. Pero kung dadami ang mga taong lalawak ang pang unawa, ito ay hindi na magiging isang isyu kundi parte ng normal na buhay na may pait, sakit, at saya.

 

About myalexel

ISINILANG SI ALEXEL sa bayan ng Daraga at lumaki sa Pioduran noong ika-13 ng Abril taong 1989. Namalagi siya sa kanila ring tirahan sa Lungsod ng Legazpi sa probinsya ng Albay noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. Nagtapos siya ng kursong Batsilyer ng Sining sa Ingles sa Kolehiyo ng Sining at Panitik ng Pamantasan ng Bikol; nakakuha ng units para sa M.A. sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Master ng Sining sa Literatura sa Bicol University Graduate School. Siya ngayon ay masayang nagtuturo sa kolehiyo at nangangasiwa ng iba ibang propesyunal na organisasyon. Mahilig siyang mangolekta ng lapis at mga abubot na kanyang nagagamit pan-dekorasyon sa kanyang scrap book. Nahilig siyang magsulat ng maikling kwento, sanaysay, at tula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Marunong rin siyang gumuhit at mag pinta. Sumasali rin siya sa mga Patimpalak sa Pag Awit at iba pang patimpalak patungkol sa Sining. Ang ibang koleksyon niya ng tula at maikling kwento na kadalasang tumatalakay sa kanyang buhay pakikipag-kapwa at pag-ibig ay nakatago sa kanyang espesyal na tukador. Ang iba sa mga ito ay naisali na at napiling magawaran ng premyo sa mga patimpalak sa malikhaing pagsusulat tulad ng Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon, BU Linguistics Circle, CAL Literary Contest at iba pa.
Gallery | This entry was posted in Sanaysay sa Buhay. Bookmark the permalink.

8 Responses to Iba ibang Konteksto ng Pagmamahalang Kapwa-Lalaki (Para sa mga Takot Maging Bakla—Sa mga tinatawag na”Bisekswal”)

  1. john gregori says:

    how nice magagamit namin to sa school tom:D kc may debate kami tungkol sa oanig sa homosekswalidad…thanks God bless..

  2. real says:

    lumakas loob ko sa blog mo, parang nagkaroon ako ng pag asang mabuhay ng kung ano ako ngayon sa noo.. salamat..

  3. may-ann says:

    tamahhhhhhhhhhh ..hndi dapat nten pakelaman ang ibang tao wla taung pakeelam kci nag mamahalan cla ….:) :) :) :)

  4. aj lopez says:

    nice one!
    thanks sa may-akda…:)
    now may idea na ako sa usaping ito at magagait ko pa sa talakayan namin sa klase bukas!

Mag-iwan ng Komento

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s